Gisingin ang diwa
Patulugin na ang luha
Humimlay sa ligaya
Bumangon sa pagkakadapa
Tayo’y mga dalaga’t binata
Panandaling nagkasama
Pero permante ating nadama
At minsa’y naging maligaya
By Candy Zinampan
07.27.2011
Basahin man kita,
Hindi ko pa rin makita
Masyado kang malabo
Pati nilalaman ng iyong
puso.
Sa totoo lang, hindi ko alam
Ngunit ito ang aking pakiramdam,
Takot akong magtanong,
Hindi ko tuloy maituloy
itong saknong.
By Candy Zinampan
September 2011
O kaibigan, humihingi ako ng pasensya,
Di ko intensyon pero di ko naman sinasadya
na magsimula sa biruan at
magwakas sa seryosohan.
Ako’y magiging tapat sayo,
sa umpisa naman aking talagang
ginusto
ang matatamis mong pagsuyo.
Pero sa bandang dulo,
ako ay natuto.
Hindi pala oo ang sagot ko
sa walang halong birong
pag-ibig mo.
By Candy Zinampan
Heto ako nakatulala sa puting kawalan
at kumikindat na linya,
Hinahalungkat ang utak
Pinakikiramdaman ang puso,
Baka sakaling ako’y may mahita
Ano ang pupuno sa blangkong espasyo?
O mas mainam siguro kung sino,
Hanggang ilang salita ba ang kailangan mo?
Pakisabi naman kung tungkol saan ito
Hanggang ilang talata ba ang gusto mo?
Maikling kuwento o nobela ba ito?
Hindi na ako magtatanong o magrereklamo
Basta ikaw at ako ang susulat ng istoryang ito
Hindi ako papatalo sa antok
Kahit ‘di na ako matulog
Magpalipas man ako ng gutom
Busog na ako sa mga pangungusap mo
Kahit saan pa tayo dalin nito
Sana palaging sabay tayo
Ano ang pupuno sa blangkong espasyo?
O mas mainam siguro kung sino,
Hanggang ilang salita ba ang kailangan mo?
Pakisabi naman kung tungkol saan ito
Hanggang ilang talata ba ang gusto mo?
Maikling kuwento o nobela ba ito?
Hindi na ako magtatanong o magrereklamo
Basta ikaw at ako ang susulat ng istoryang ito
Sa simula, ideya ay umaapaw
At unti-unting nawawala sa kalagitnaan
Hanggang sa maubos ang mga papel at pluma
At wala nang susunod na talata
Wala na bang natira sa isip mo?
Kung pwede sana subukan mo sa iyong puso?
‘Di ko naman pansin kung kuwit lang ang nakalagay,
Basta ‘wag lang ang mapait na tuldok
na nakamamatay.
Iniwanan mo ako ng isang tanong,
na hanggang ngayon nagtatapos pa rin
sa tandang pananong.
By Candy Zinampan

Anong kilabot ang nadarama sa tuwing maaamoy mo ang lahat ng mga alaala? Kilig, pagkasaya, pagkalungkot at paminsan-minsa’y ang pangungulila. Isang beses sa ating paglalakbay, dala ng hangin ang halimuyak at ang buong kapaligiran ay nagiging larawan na ng nakaraan. Unti-unti mang maglaho ang amoy subali’t ang alaala pa rin ay naroroon.
Lumilipad ang isip doon sa himpapawid. Hibang. Natutulog sa panaginip, nangangarap ng gising. Hibang. Nagbubulag-bulagan, nagbibingi-bingihan, nagpipipi-pipihan, manhid. Hibang. Naniniwala sa katwiran, umiiwas sa katotohan. Hibang. Iniwan ng katinuan at bait. Hibang. Nagtatago sa dilim, natatakpan ng anino. Hibang.

Hanggang saan ka papadala? Papadala hanggang sa wala ka na palang napala at unti-unti ka nang nagkakasala.
Hanggang saan ka aabot? Aabot sa hanggang wala nang natira na kahit isa at naiwan ka na rin palang nagiisa.
Hanggang saan ka pupunta? Pupunta hanggang sa naliligaw at nawawala ka na pala.
Hanggang saan ka tatakbo? Tatakbo hanggang sa sugat sugat na ang mga binti mo at wala na palang humahabol sayo.
Hanggang saan ka?
Kahit ilang beses mo pang itanong ito sa sarili mo, ‘di mo pa rin malalaman ang sagot kung hindi ka pa umaabot sa dulo.
Sukatin mo man ang milya-milyang nilakad mo, balewala lang din kung di ka pa nakakarating sa dulo.
Bilangin mo man lahat ng mga pagkakasala mo, walang kuwenta pa rin kung di mo malalaman ang magiging resulta sa dulo.
Alam ng mundo na ang lahat ng bagay ay may hangganan. May simula dahil may katapusan. May umpisa dahil may dulo. Lahat ay may katuwang, kapareha, o maaring kabaligtaran. May tama dahil may mali. May mabuti dahil may masama.
Mapait ang katotohanan sapagkat ang sukatan ng kabuuan ay ang hangganan. Kaya habaan mo ang pisi ng iyong pasensya at buksan mo ang pinto ng iyong konsensiya. Painitin mo ang alab sa iyong puso at pairalin mo ang pag-asa sa iyong kaluluwa.
Kung nakarating ka na sa dulo, ‘di ko ako sigurado kung mapalad ka. Pero ikuwento mo kung anong naroon.
Ikaw, hanggang saan ka?
Ginawin sa lamig ng hangin
Tanawin mula sa kalayuan
Pangalawang gabi na pala ng pagtatagpo,
Ako at ang kurba
Isang kahangalan ang makipag-ngitian
sa isang buwan
Walang mukha, ni walang katawan
Nasa sentro ng papawirin
Milya-milya ang tatawirin
Ano ang nasa likod ng kurba?
Tunay na lumbay?
Nag-uumapaw na kagalakan?
Kahulugan ay di ko pa rin malaman.
I.
Ang laki ng mga patak,
Bubong sa itaas ay tumatagaktak.
Naririnig mo ba?
O naririnig mo ba?
Ang liwanag ng mga ilaw,
Mga tao’y sige sa paggalaw.
Nakikita mo ba?
O nakikita mo ba?
Sayang wala akong dalang kamera,
Okey lang, sandaling ito’y nakaukit
na sa aking alaala.
Nararamdaman mo ba?
O nararamdaman mo ba?
II.
Bingi aking tenga,
Bulag ang iyong mga mata,
Ito’y aking lamang akala
Na pareho tayo ng nadarama.
III.
Ulan sana’y tumindi pa ang lakas,
Bagalan mo ang bigkas,
Sana’y naibabalik ang oras,
Nang maulit ito ng madalas.
Larawan nating kumupas,
Kukulayan muli natin..
Ngayon at sa mga susunod pang bukas.
yndca
Marcos Highway
05.21.2011